Siniguro ng Metropolitan Manila Development Authority na buong pwersa ang paghahanda ng ahensya sa paparating na banta ng krisis sa tubig.
Nakikipag ugnayan ngayon ang ahensya sa Department of Health at Metropolitan Waterworks Sewage System upang mas maging handa sa posibleng malaking impact ng naka ambang El Niño.
Sa katunayan mayroon nang mga mitigating measures na ginagawa ang Metropolitan Waterworks Sewage System tulad ng filtration system at paghahanap ng mga deep wells na magsusupply sa mga dam sakaling bumaba ang lebel ng tubig nito.
Bukod sa kakulangan sa tubig ay nakikita rin ni Chairman Artes ang posibleng health risk tulad na lamang ng mga posibleng pagbahayan ng lamok sakaling magkaroon ng malalakas na pag ulan, kaya naman ipinunto niya na dapat itong icheck at alisin.
Dagdag pa rito, inaasahan naman ni Chairman Artes na ang mga crisis team sa bawat Local Government Unit ay maaactivate upang mas malocalize ang response sa isyung ito.
Samantala, sa kabila ng kahandaan ng ahensya hindi naman makapagbigay si Chairman Artes ng eksaktong porsyento ng kanilang paghahanda, aniya sinisiguro niya naman sa publiko na maraming mga paraan ang ahensya upang mabawasan ang epekto ng naka ambang El Niño.
Mayroon umanong mga pag aaral na maaaring makakuha ng tubig mula sa hangin kaya ngayon ay pinag aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority equipment na mas maganda at efficient.
Kung maaalala sa mga susunod na buwan ay pinangangambahang mararanasan ang epekto ng El Niño sa bansa kung saan posibleng magkaroon ng malawakang kakulangan ng supply ng tubig hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.