Pinaghandaang mabuti ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang bilang ng mga deboto sa darating na Pista ng Poong Hesus Nazareno sa darating na Huwebes.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo radyo kay Edward Gonzales na siyang MMDA Head of Road Emergency Group, nagtalaga aniya ang kanilang pamunuan ng 1,000 mga personnels kasama na dito ang para sa mga clearing operations sa mga lansangan na dadaanan ng andas ng Nazareno.
Ang mga ito ay ipapakalat sa magmula sa Quirino Grandstand, sa mismong prusisyon hanggang sa makarating ang Poon sa loob ng Quiapo Church.
Paliwanag niya, magkakahiwalay ang komite na itinalaga ng MMDA sa araw na iyon para masiguro ang kaligtasan ng mga deboto maging ang daloy ng trapiko sa mga lansangan ng Maynila.
Mayroong nakatalaga para sa traffic enforcement at maging sa mga maaaring kaharaping emergency sa mismong traslacion na siyang talagang maigting na pinaghandaan ng MMDA.
Inaasahan naman na mas mataas ang bilang mga deboto na pupunta ngayon simula sa Martes na siyang araw ng pahalik hanggang sa mismong araw ng traslacion sa Huwebes.
Samantala, nagpaalala naman si Gonzales sa mga deboto na kung maaari na ang mga may kapansanan o iyong mga may dalang bata ay manatili na lamang sa kanilang mga tahanan para manatiling ligtas habang nakikiisa sa pista.
Sa kabila nito ay mga itinayo namang mga first aid stations ang kanilang pamunuan para sa mga mahihilo, maiipit sa traslacion at iba pang mga emergency.
Para naman sa mga magulang na hindi maiwasang magdala ng kanilang mga maliliit at batang mga anak, paalala ni Gozales, mabuting lagyan ng name plate ang mga ito at contact details.