Pinapaspasan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na makumpleto ang flood mitigation programs sa Metro Manila.
Ito ay kasabay na rin ng inaasahang opisyal na pagsisimula ng panahon ng tag-uan bunsod ng pagpasok ng unang bagyo sa bansa nitong weekend.
Ayon kay MMDA chairman Don Artes, nasa 2 pumping stations, lahat ay nasa lugsod ng Manila ang malapit ng matapos sa may Taft Avenue at Malate district habang ang isa pang pumping station sa Padre Faura ay inaasahang makukumpleto naman sa buwan ng Hulyo.
Sinabi din ng MMDA official na ang 2 pumping stations ay maaaring paganahin sa pamamagitan ng generator sets sakaling kailanganin.
Tiniyak din ng ahensiya na lahat ng 71 pumping stations nito ay fully operational kung saan 36 dito ang upgraded sa ilalim ng Metro manila Flood Management Project.
Regular ding nagsasagawa ng cleanup ng drainage ang ahensiya, gayudnin sa mga creek at iba pang daanan ng tubig bilang alternatibong flood mitigation measure.
Sakali man aniya na hindi maging sapat ang pumping stations, sinabi ng MMDA chairman na bubuksan ang flood gates ng sewerage treatment plant sa Manila Bay.