-- Advertisements --

Plano ng Metropolitan Manila Development Authority ang expansion ng pasig River ferry service nito sa susunod na taon.

Ito ay kasunod ng pagbibigay serbisyo nito sa maraming mga pasahero ngayong taon. Umabot kasi sa 233,000 na pasahero ang naserbisyuhan ng mga bankang pampasahero.

Ayon kay MMDA Chairperson Romando Artes, inisyal na tatlong banka ang kanilang idadagdag sa susunod na taon. Ang bawat banka ay may kapasidad na 150 pasahero, na inaasahang tutugon sa mataas na demand mula sa mga mananakay.

Ang naturang paraan ng transportasyon ay binuo bilang alternatibo sa transportasyon sa Metro Manila kung saan sa kasalukuyan ay mayroong siyam na banka ang ginagamit sa ilalim ng Pasig River service.

Ang mga naturang banka ay nag-ooperate sa 13 stations sa Metro Manila, katulad ng Pasig, Makati, Mandaluyong, at Maynila.

Ang mga naturang istasyon ay matatagpuan sa Pinagbuhatan, San Joaquin, Maybunga, at Kalawaan sa Pasig.

Sa Makati, ito ay nasa Guadalupe at Valenzuela, Hulo sa Mandaluyong, at Sta. Ana, PUP, Lawton, Escolta, Lambingan, at Quinta sa lungsod ng Maynila.

Ayon kay Artes, nauna na rin itong nakipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard(PCG) para sa naturang plano.

Ang MMDA ang may hawak sa lahat ng administrative at iba pang office matters ng naturang transportation service, habang ang PCG ay naglalaan ng mga personnel para magbantay at tumulong sa mga terminal at pasahero, upang matiyak ang kaligtasan ng mga komyuter. – GENESIS RACHO