Makikipagpulong pa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga local government units (LGU) sa pagpapalabas nila ng mga ordinansa na nagre-regulate sa mga posibleng pagbabalik ng nasa 4,000 provincial buses sa kahabaan ng EDSA.
Sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na plano nitong makipagpulong sa mga alkalde ng Pasay, Caloocan, Makati, Mandaluyong, San Juan at Quezon City para matulungan sa pamamahala ng mga provincial buses.
Dagdag pa nito na dedepende sa mga LGU ang pagbabalik operasyon ng mga provincial buses.
Magkakaiba aniya ang mga ito dahil may ilang LGU na baka tuluyang pagbabawal ng mga buses habang ang ilan ay baka payagan sa window period.
Pinalitan din aniya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ruta ng mga buses para bigyang daan ang bus carousel dahil sa pagkakaroon ng 85 bus stations sa Metro Manila kabilang ang 37 na matatagpuan sa kahabaan ng EDSA.
Pagtitiyak din nito na kapag nakabalik na ang mga bus operations ay mahigpit na ipapatupad ang health protocols.
Sa kasalukuyan kasi ang mga pasahero na nanggaling sa timog Luzon ay bumababa na sila sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PTEX) habang ang nagmula sa hilaga ay bumababa na sa Valenzuela Gateway Complex Integrated Terminal at mula doon ay sasakay sila sa ibang bus patungong EDSA.