Mas mabilis at mas maayos na responde umano ang maaasahan sa tuwing may bagyo sa Metro Manila dahil sa bagong programa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na arcGIS kung saan nakamapa ang mga emergency vehicles at equipment, search and rescue teams, ospital at evacuation centers sa bawat lokal na pamahalaan sa kalakhang Maynila.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando “Don” Artes, malaking tulong ang teknolohiyang ito para maka-assist ang isang LGU sa ibang lugar sa Metro Manila na magkukulang ng resources.
Madali ring matutukoy kung saan ang pinakamalapit na rescue post kung may report na nangangailangan ng tulong o responde.
Ininspeksiyon din ni Atty. Artes at MMDA General Manager USec. Procopio Lipana ang mga nakahanda at naka-preposition na emergency response equipment ng ahensiya para sa bagyong Pepito.
Kabilang na ang dalawang aluminum boats, apat na rubber boats na pinaandar ng makina, 5,000 life vests, solar-powered water purifiers, clearing equipment gaya ng mga chainsaw at rotary saw, at modular tents. Handa na rin ang mga ambulansiya, tow trucks, rapid response vehicle, at military truck ng ahensiya sakaling kailanganin.
Fully operational at nasa good running condition ang 71 pumping stations na inooperate at minimintina ng ahensiya.
Nanawagan si Atty. Artes ng pakikipagtulungan ng mamamayan sa tuwing may kalamidad partikular sa pagsunod sa utos ng mga awtoridad sa paglikas.