-- Advertisements --

Umapela na ng tulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga iba pang mga local government units sa National Capital Region (NCR) para tulungan ang mga lungsod tulad ng Marikina na matinding sinalanta ng bagyong Ulysses.

Sa ginanap na virtual meeting na isinagawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hiniling ni MMDA Chairman Danilo Lim sa mga hindi masyadong naapektuhan na LGU na magbigay ng tulong sa iba pang mga local government unit tulad ng Marikina.

Ayon kay Lim, tumulong ang kanilang ahensiya sa isinagawang rescue operation sa mga residente na naistranded sa kani-kanilang tahanan sa nasabing lugar.

Nagpadala aniya sila ng dalawang rubber boat at isang dump truck ang nakaantabay sa area ng Katipunan-Aurora.

Nasa halos 700 MMDA personnel ang ipinakalat sa buong Metro Manila para umalalay sa mga gagawing operasyon para sa mga naapektuhan ng naturang sama ng panahon.

Nagdulot ng matinding pagbaha sa maraming lugar sa Kalakhang Maynila at sa kalapit na mga lalawigan ang malakas na pag-ulan dulot ng bagyo.