Ngayon pa lang ay nag-abiso na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista hinggil sa ipapatupad na “stop and go scheme” kasabay ng 30th Southeast Asian Games sa susunod na buwan.
Tiniyak ni MMDA spokesperson Celine Pialago na hindi magagambala ang mga motorista dahil bibigyang daan lang nila ang convoy ng mga atletang tutungo sa kanilang venues dito sa Metro Manila.
Sa ilalim ng ipapatupad na traffic scheme, pauunahing padaanin ang convoy ng SEA Games athletes sa mga kalsada bago ito ibalik sa mga pribado at pampublikong sasakyan.
Magsisimula ito sa November 30 hanggang December 6.
Nilianaw naman ng MMDA na walang ipapatupad ng road closure at one-way traffic scheme, maliban sa Adriatico Street at Ocampo Street na nasa palibot ng Rizal Memorial Stadium sa Maynila.
Aabot sa 2,000 MMDA personnel ang ipakakalat sa mga venue ng competitions, kasama ang mga operatiba ng Highway Patrol Group.