Tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na naka-full deployment pa rin ang kanilang mga personel bago pa man ang ismong Holy Week bilang paghahanda nila sa mga pasaherong nagbabalak na umuwi ng maaga sa kanilang mga probinsiya.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes, may deployment na ang kanilang ahensya bago pa man magsimula ang linggo ng Semena Santa at sa mismong Abril 16 pa lamang ipapatupad ang ‘no absent, no leave policy’ sa mga enforcers na itatalaga sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila para sa linggo na iyon.
Aniya, sa regular na mga operasyon ay palagi namang naka-full deployment ang kanilang pamunuan at tiniyak rin na magkakaroon ng extended working hours sa kanilang mga enforcers partikular na sa weekends.
Layon ng extended working hours na makapagbigay asiste sa mga mananakay at pasaherong uuwi sa mga probinsiya.
Inaasahan kasi na sa mga araw na ito magiging crucial at mas maraming pasahero ang dadagsa sa mga terminal kaya naman ito ang nakikitang solusyon ni Artes para maging maayos pa rin ang daloy ng trapiko sa mga lansangan sa Semana Santa.
Samantala, sa patuloy na pakikipagtalakayan naman ni Artes sa pamunuan ng Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) napansin na mas maaga nanag nagpalano ng kanilang pagbyahe ang mga pasahero.
Aniya Biyernes pa lamang bago ang Holy Week ay kumpol na ang tao sa mga terminal para umuwi sa kani-kanilang mga probinsiya at lumolobo na aniya ang bilang ng mga pasahero.
Dahil dito, kapansin-pansin na mas maluwag na ang mga lansangan at terminals sa mismong araw ng Semana Santa dahil sa mabilis na pagplano ng mga mananakay ng kanilang mga byahe para makaiwas sa tindi ng trapiko at foot traffic sa mga terminals.
Samantala, pansamantalang masususpinde ng number coding o Unified Vehicular Reduction Program (UVRP) ang kanilang pamunuan sa Huwebes at Biyernes Santo para sa Semana Santa.
Ito rin ay bahagi ng paghahanda ng MMDA sa mga maaring buhos ng mga pauwi ng kani-kanilang probinsiya na siyang inaasahan na mas maguumpisa ng mas maaga pa sa Holy Week.