Sinibak sa serbisyo ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority na nag-viral kamakailan dahil nahuling dumaan sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) bus way at tumakas sa isinagawang operasyon ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) noong Abril 30 ng taong kasalukuyan.
Dahil rito, terminated na ang kontrata ng naturang enforcer na kinilalang si Dexter Rasonabe.
Ayon sa nasabing ahensya siya ay isang job order employee at humarap ito mismo kay Metropolitan Manila Development Authority Acting Chairman Atty. Don Artes ngayong araw, ika-dalawa ng Mayo.
Inamin niya rin ang kaniyang ginawang paglabag at sinabing kaya ito nagawa ay dahil siya ay male-late na sa kaniyang trabaho dahil nung araw na iyon ay inasikaso rin umano niya ang kaniyang anak.
Ani, Rasonabe ay handa siyang harapin ang anumang kaukulang parusa na ipapataw sa kaniya ng ahensya.
Samantala, inihayag naman ni Atty. Artes na mahigpit niyang ipinagbabawal sa lahat ng empleyado kasama na ang mga opisyal at directors, ang pagdaan sa nasabing busway kung kaya’t hindi niya rin palalagpasin ang pagkakamaling nagawa ng kawani nito.