-- Advertisements --

Sa kabila ng pagiging matumal na buhos ng tao sa mga sinehan para sa Metro Manila Film Festival (MMFF), may ilang Pinoy movie fanatics pa rin ang naghayag ng kani-kanilang “manok” na mananalo sa Gabi Ng Parangal.

Maglalaban para sa Best Actress sina Kim Chiu, Charo Santos, magkapatid na Toni at Alex Gonzaga, Rita Daniela, at Daniela Stranner.

Sa Best Actor naman, matunog ang pangalan ni Raymond Bagatsing, pero pinaka-inaabangan ang mahigpit na labanan sa lead actors na sina Dingdong Dantes at John Arcilla para sa Korean action flick na “A Hard Day.”

MMFF 2021 8 entries

Una rito, may mga netizen na nag-post ng mga larawan habang sila ay nasa sinehan kasabay ng araw ng Pasko kung saan karamihan ay halos walang pila, kompara noong wala pang pandemya na talagang tradisyon na ang pagtiyaga sa pila ng MMFF films.

Nabatid na may mga ipinapatupad na patakaran ang Inter Agency Task Force sa pagpayag na buksan muli ang mga sinehan, kabilang ang pagbabawal na kumain sa loob, gayundin na dapat ay laging nakasuot ang face mask, one seat apart kahit magkakamag-anak, bawal ang hindi fully vaccinated at iba pang safety protocol kontra COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).

May mga nagpahayag na kanila raw muna hihintayin ang resulta ng awards ceremony ng 47th MMFF ganap na alas-7:00 ngayong gabi sa isang mall sa Taguig.

Noong nakaraang taon sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, virtual o sa pamamagitan lamang ng online idinaos ang MMFF kung saan big winner ang coming-of-age movie na “Fan Girl.”

Hinakot kasi nito ang halos lahat ng major awards gaya ng best float, best screenplay, best picture, best director para kay Antoinette Jadaone, best actress sa newcomer na si Charlie Dizon, at best actor kay Paulo Avelino.