Patuloy pa rin na mapapanood sa piling sinehan ang official entries sa Metro Manila Film Festival (MMFF) matapos na palawigin pa ito ng isang linggo o hanggang sa Enero 14.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Atty. Don Artes, pinalawig pa nila ito kasunod ng mga panawagan mula sa publiko at movie enthusiasts. Kasabay nito, pinasalamatan ng opisyal ang mga tumangkilik na moviegoers sa official entries ng MMFF.
Nakatakda sanang magtapos ang nasabing festival bukas, araw ng Martes, Enero 7.
Kabilang nga sa official entries para sa MMFF ay ‘And The Breadwinner Is,” ”Espantaho,” ”Green Bones,” ”Hold Me Close,” ”Isang Himala,” ”My Future You,” ”Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital,” ”The Kingdom,” ”Topakk,” at ”Uninvited.”
Samantala, ayon kay chairman Artes, tatanggapin pa rin ang MMFF complimentary passes hanggang sa Enero 14. Umaasa naman ang opisyal na patuloy pa ring tataas ang kita sa takilya.
Mapupunta ang earnings mula sa MMFF sa mga benepisyaryo kabilang ang Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund), the Film Academy of the Philippines, the Motion Picture Anti-Film Piracy Council, the Optical Media Board, at Film Development Council of the Philippines (FDCP).