-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nagsilikas ang mga sibilyan nang magkasagupa ang dalawang armadong grupo sa lalawigan ng Maguindanao.

Ayon kay Col. Edgardo Vichez Jr ang tagapagsalita ng Joint Task Force Central na nagkasagupa ang grupo nila Kumander Baba ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Kumander Malboro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Sitio Balas, Barangay Muti, Guindulungan, Maguindanao.

Dahil sa tindi nang palitan ng bala sa magkabilang panig ay lumikas ang mga sibilyan patungo sa ligtas na lugar sa takot na maipit sa gulo.

Agad namagitan ang mga lokal na opisyal sa bayan ng Guindulungan,mga lider ng MILF, MNLF, Muslim elders, militar at pulisya kaya humupa ang bakbakan.

Isa ang nasawi at apat na bahay ang nasunog sa naglalabang grupo na may personal na alitan sa kanilang pamilya o rido.

Matatandaan na anim ang nasawi at 73 bahay ang nasunog sa engkwentro ng MILF at MNLF sa Pikit, Cotabato.