-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng Moro National Liberation Front (MNLF) na masusundan ang pagkikita ni Pangulong Rodrigo Duterte at kanilang founder na si Prof. Nur Misuari.

Ito’y matapos unang nagkausap sina Duterte at Misuari ilang araw makalipas na nakapanumpa na sa kanilang mga tungkulin ang mga opisyal na bumubuo sa Bangsamoro Transition Authority para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sinabi ni MNLF spokesperson Atty. Emmanuel Fontanilla sa Bombo Radyo, malaki kasi ang kanilang paniniwala na maisasakatuparan ang ipinangako ni Duterte na mabibigyan ng prayoridad ang kanilang grupo sa oras na pederalismong sistema na ang gobyerno ng bansa.

Inihayag ni Fontanilla na bagama’t ginalang nila ang Moro Islamic Liberation Front na pamunuan ang BARMM, subalit kailangan din sila bigyang pansin ng gobyerno.

Dagdag ng opisyal na ang tamang pagkakataon na lamang ang kanilang hinihintay upang magkausap uli sina Duterte at Misuari mula sa pagdalo nito sa Organization of Islamic Cooperation’s Council of Foreign Ministers sa Abu Dhabi, at 14th session sa Parliamentary Union of OIC Member States sa Morocco nitong buwan.