CENTRAL MINDANAO – Sumiklab ang engkwentro ng dalawang Moro fronts sa probinsya ng Maguindanao.
Ayon kay Romeo Sema ng MNLF at miyembro ng Bangsamoro Transiston Authority (BTA) nagkaengkwentro ang grupo nina Kumander Musa ng 104th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Sema MNLF faction sa Sitio Sultan, Brgy. Bagoinged, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Tumagal ng kalahating oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang matataas na uri ng armas.
Humupa ang engkwentro nang mamagitan ang mga lider ng MILF at MNLF.
Dagdag ni Sema, wala umanong koordinasyon ang MILF sa pagpasok sa Camp Ibrahim Sema ng MNLF kaya nagkaengkwentro.
Walang nasugatan sa sagupaan ng dalawang grupo ngunit nagdulot ito ng takot sa mga sibilyan.
Sa panig naman ni Von Alhaq ang tagapagsalita ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng MILF, sinabi nito na mag-iigib sana ng tubig ang grupo ni Kumander Musa nang mangyari ang engkwentro.
Ngunit sa pahayag ng ilang mga sibilyan, may umiiral umanong alitan ang grupo ni Kumander Usman laban sa grupo ng MILF sa naturang lugar.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang mapayapang negosasyon sa magkabilang panig para hindi na lumaki ang kanilang awayan.