CENTRAL MINDANAO- Nabalot ng takot ang mga residente ng Buluan Maguindanao dahil sa presensya ng mga armadong myembro ng Moro National Liberation Front (MNLF-Misuari faction).
Nagparada sa national highway sa bayan ng Buluan ang mahigit 200 MNLF combatants at nakatakda sanang magsagawa ng peace rally.
Agad na nagresponde ang pwersa ng 40th Infantry Battalion Philippine Army katuwang ang pulisya.
Sinabi Lieutenant Colonel Edwin Alburo, tagapagsalita ng 6th Infantry (Kampilan) Division,na sapilitang pinasurender ng militar at pulisya ang mga myembro ng MNLF na nagdadala ng armas.
Ang grupo ng MNLF ay pinamumunuan ni Ustadz Jamaluddin Abdullah alyas Kumander Guiamaludin Gulam.
Ngunit nilinaw ni Abdullah na wala silang planong manggulo at magsasagawa lamang sana sila ng peace rally.
Batay sa nilagdaang kasunduan ng MNLF at gobyerno, hindi umano pinapayagan ang mga ito na magdala ng mga armas sa mga matataong lugar lalo na at umiiral sa Mindanao ang Martial Law.
Ang mahigit 50 armas ay nasa pangangalaga ngayon ng 40th IB at nakatakdang iturn-over sa pulisya para sa pagsasampa ng kaso sa mga MNLF fighters na dadalo sana sa kanilang peace rally sa Buluan Maguindanao