Bagamat nagkaroon ng problema kaugnay sa isyung pagpasok ng mga kontrabando sa kulungan kung saan nakapiit ngayon ang ilang mga high profile inmates ng New Bilibid Prison (NBP) sa loob ng Kampo Aguinaldo, inihayag ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang dapat baguhin sa pinirmahang memorandum of agreement sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Justice (DOJ) kaugnay sa pagpapagamit ng militar ng kanilang detention facility.
Nilinaw ni Arevalo na wala namang naging problema sa nasabing memorandum of agreement, subalit aminado siya na nagkaroon lamang ng konting suliranin lalo na ang pagpasok ng mga kontrabando sa loob ng piitan.
“So far maayos naman yung memorandum of agreement, probably nagkaroon lang ng suliranin o konting issues with regard to the implementation, sa ngayon we dont see any reason yet to change it but we can always review it if there is a need to,” wika ni Arevalo.
Una ng kinumpirma ni AFP chief of staff General Eduardo Año na may mga kontrabando ngang nakapasok sa loob ng piitan ng mga high profile inmates na nakakulong sa AFP Custodial Center.
Nadiskubre ng militar ang mga nasabing kontrabando ng magsagawa ng inspection ang mga sundalo sa loob ng detention facility.
Sinabi ni Arevalo na kabilang sa mga gadget na kanilang nadiskubri ay TV, aircon at iba na kinukunsiderang mga bawal na gamit sa loob ng kulungan.