-- Advertisements --

Naglunsad ng mobile service ang Department of Labor and Employment (DOLE) para tugunan ang mga pangangailangan ng mga migrant workers sa Al Khobar at iba pang lugar sa silangang rehiyon ng Kingdom of Saudi Arabia.

Sinabi ni Philippine Overseas Labor Office (POLO) Al Khobar labor attaché Hector Cruz Jr. na pinahintulutan ng mga awtoridad ang operasyon ng POLO-on-wheels na magbigay ng consular, welfare, at documentary na pangangailangan ng mga overseas Filipino worker (OFWs) sa rehiyon.

Aniya, ang mobile POLO ay nakatakdang ilunsad ngayong linggo.

Ang proyektong ito ay alinsunod din sa direktiba ni Labor Secretary Silvestre Bello III na tiyaking magagamit ang mga serbisyo sa mga OFW para sa kanilang proteksyon at kapakanan.

Dagdag pa nito na pinahintulutan din ng Saudi Ministry of Foreign Affairs ang POLO na pamahalaan ang isang shelter sa labas ng lungsod bilang tahanan ng mga distressed OFWs at mga naghihintay ng repatriation.

Nakapagtala ang POLO ng humigit-kumulang 220,000 hanggang 230,000 Pilipino sa silangang rehiyon ng Saudi Arabia. Kung saan, 215,000 ay mga dokumentadong OFW, kanilang mga dependent, at ilang permanenteng migrante.

Ang mga OFW sa silangang rehiyon ng Saudi Arabia ay halos nasa industriya ng oil exploration at drilling, habang ang ilan ay nasa mga service-oriented na sektor tulad ng sa mga café, restaurant, at sa maintenance services sector.