-- Advertisements --

Kinumpirma ng Bureau of Corrections (BuCor) ngayong araw ng Biyernes na nakakulong na ang convicted na modelong si Deniece Cornejo at Simeon Raz matapos hatulang guilty sa kasong serious illegal detention na inihain ng TV host at comedian na si Vhong Navarro.

Ayon sa ahensiya, nasa Reception and Diagnostic Center ng New Bilibid Prison sa lungsod ng Muntinlupa si Raz habang si Cornejo naman ay dinala sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

Sa isang statement, sinabi ng BuCor na pagkatanggap nila ng commitment order, tinggap ang 2 sa Reception and Diagnostic Center para sa initial interview at checkup saka dadalhin ang mga ito sa Quarantine Cell at mananatili doon ng 5 araw nang walang visiting privileges. Susundan ito ng diagnostic procedure kabilang na ang medical, sociological, psychological, educational at classification process sa loob ng 55 araw.

Samantala, ayon sa BuCor wala pa silang natatanggap na commitment order para kay Cedric Lee na sumuko sa National Bureau of Investigation noong gabi ng Huwebes.