BAGUIO CITY – Iniimbestihagan na ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng PNP ang modus umano ng mga sindikato na pagbayad nila sa mga kabataan na magpapanggap na mga turistang bibisita sa rehiyong Cordillera at pagbalik nila ng Metro Manila ay may dala-dala na silang mga bloke ng marijuana.
Kasunod ito ng serye ng pagkahuli ng mga ilang kabataan na mga turista kabilang na ang ilang mga menor de edad dahil sa pagdadala at pagbiyahe nila ng mga marijuana na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso.
Ayon kay PDEA-Cordillera Public Information Officer Rosel Sarmiento, marami na silang natatanggap na report na may mga kabataang binabayaran ng mga sindikato para maging turista at pagbalik ng mga ito sa Metro Manila ay may dala na silang mga marijuana.
Noong July 28 ay pitong kabataang edad 18, kabilang na ang apat na menor de edad mula Central Luzon, ang nahuli sa interdiction operation ng mga otoridad sa isang bus terminal sa Baguio City dahil sa pagdadala ng mga ito ng 27 marijuana bricks at 2 tubular marijuana.
Nahuli din noong July 21 ang siyam na mga turista mula Metro Manila sa magkaibang interdiction operation sa Ifugao at Kalinga dahil sa pagdadala ng mga ito ng mga marijuana na nagkakahalaga ng aabot sa P4-milyon.
Nadampot pa noong kasagsagan ng Semana Santa ang tatlong turista mula Muntinlupa City kung saan nakumpiska sa kanila ang P2.4-M na halaga ng mga marijuana.
Batay sa mga report, pawang nanggaling ang mga nahuling indibidual sa Tinglayan, Kalinga kung saan isinasagawa ang mga eradication operations na nagreresulta sa pagkasira ng milyon-milyong pisong halaga ng marijuana.