Kinondena ni NCRPO chief MGen. Vicente Danao Jr. ang pambibiktima ng NPA sa mga manggagawa sa modus nilang pagpapasara ng mga kumpanya.
Ayon kay Danao, bumubuo ng mga samahan ng mga empleado ang NPA sa mga pribadong kumpanya at hinihikayat ang mga ito na mag-welga para maipasara ang kumpanya.
Kumukubra aniya ang NPA ng 10 porsyento sa sahod ng mga manggagawa at kukuha din ng 25 porsyento ng separation pay ng mga manggagawa kung maipasara ang kumpanya.
Makakakuha nga aniya ang mga manggagawa ng malaking pera sa kanilang separation pay mula sa kumpanya, pero nawalan naman aniya sila ng trabaho kung magsara ang mga ito.
Ang pagbubunyag ni Danao sa aktibidad ng NPA sa labor sector ay kasunod ng pagkakalantad ng malawakang recruitment activities ng NPA sa mga unibersidad na sinisilip ngayon ng militar at pulis.