-- Advertisements --

DFA

Iniimbestigahan na ngayon ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang mga reported pages sa social media na nag-aalok ng passport appointment kapalit ng bayad.

Ito’y matapos iutos ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar at sinabing nakarating sa kaniya ang paghingi ng tulong ng Department of Foreign Affairs (DFA) tungkol sa laganap na pagbebenta ng appointment slots sa pamamagitan ng Facebook.

“Dahil dito, inatasan ko na ang ating Anti-Cybercrime Group na imbestigahan at magsagawa ng mga kaukulang operasyon upang mahuli at mapanagot ang mga taong nasa likod nito. Hindi natin papayagan na pagkakitaan pa ang ating mga kababayan lalo na ang mga OFWs dahil sa hirap ng buhay ngayon na dulot ng hinaharap nating pandemya,” pahayag ni Gen. Eleazar.

Una rito, hiniling ni DFA Undersecretary Brigido Dulay sa PNP at National Bureau of Investigation (NBI) na tukuyin ang mga indibdwal na nasa likod ng Facebook pages at groups na nag-aalok ng mabilis na passport appointment process sa mga aplikante na dapat ay libre.

Nagpasaklolo rin ang DFA sa Facebook na tukuyin at isara ang mga naturang account upang maiwasang maloko ang publiko na magbayad para sa libreng serbisyo.

Samantala, umapela si Gen Eleazar sa publklo na huwag tangkilikin ang mga nag-aalok sa social media at agad iulat sa mga awtoridad ang mga iligal na aktibidad.

“Nililinaw po natin sa ating mga kababayan na libre ang passport appointment at hinihikayat natin sila na huwag tangkilikin ang ganitong uri ng modus. Magtulungan tayo upang tigilan ang ganitong uri ng pagsasamantala sa ating mga kababayan,” dagdag pa ni Eleazar.

Binigyang-diin ni PNP chief na maaaring dumulog sa pamamagitan ng E-Sumbong ng PNP sakaling mabiktima ng ganitong klase ng scam.