LEGAZPI CITY – Nabunyag sa mga otoridad ang bagong modus ng mga nagtatangkang makalusot sa mahigpit na border restrictions na ipinatutupad sa Bicol.
Sa kuhang video na ipinadala ng isang concerned citizen sa mga otoridad, natukoy ang modus kaya agad na kumilos ang pinag-isang tropa ng Land Transportation Office (LTO) Bicol, pulisya, PDRRMO at militar.
Salaysay ni LTO Bicol Asst. Regional Director Vincent Nato sa Bombo Radyo Legazpi, nabatid na inililipat pala ang nasa 20 hanggang 30 pasahero mula sa mga colorum o pribadong van patungo sa isang truck upang makalagpas ng walang gaanong problema sa control points.
Aminado ang opisyal na hindi na gaanong sinusuri ang laman ng mga truck kapag dumadaan sa control point ng Del Gallego, Camarines Sur.
Wala ring pasahero ang mga van sa pagpasok sa border subalit sa paglagpas sa checkpoint saka na muling pasasakayin ang mga pasahero mula sa truck.
Giit ni Nato, mapanganib ang modus lalo pa’t karamihan sa mga nagtatangkang lumusot ay mula sa Metro Manila na may mataas na kaso ng COVID-19.
Sa isinagawa namang antigen testing mula Marso 30 hanggang kahapon, Abril 4, nasa 100 na ang nagpositibo.
Ipinoproseso na rin sa ngayon ang posibleng pananagutan ng truck driver sa insidente.