-- Advertisements --

COTABATO CITY – Umaabot sa limang libong mga biktima ng Bagyong Odette sa CARAGA Region ang mapaabutan ng tulong mula sa Ministry of Health Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa panayam ng Star FM Cotabato kay MOH BARMM Minister Dr. Bashary Latiph, naglaan ng P7M na pondo ang kanilang ahensya katuwang ang Office of the Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim at Office of the Senior Minister Abdulraof Macacua para sa mga gamot at hygiene kits/personal care.

Bawat balde ay naglalaman ng malong, towel, sabon, toothbrush, toothpaste, tabo, shampoo, sanitary pads, underwears at iba pa.

Ayon pa kay Minister Latiph, magpapadala rin sila ng medical workers o staff upang matulungan ang mga kababayan natin may sakit o nangangailangan ng medical attention.

Nananawagan din ito sa may mga busilak na puso na sobra sobra ang biyaya sa buhay na gustong magpadala ng tulong sa mga biktima ng bagyong Odette na makipag ugnayan lamang sa MOH sa mga tulong na gusto nilang ipaabot.

Inaasahang bukas ay ihahatid na ang relief assistance sa CARAGA Region partikular sa Butuan at Surigao City.