Hinirang ng mga rebelde si Mohammad al-Bashir na mamahala pansamantala sa transitional government ng Syria.
Ayon sa mga rebelde na sila ngayong may kontrol sa pamahalaan ng Syria, magsisilbi si al-Bashir bagong Syrian prime minister habang nagpapatuloy ang pagbabalik nito sa normal.
Pangungunahan ni al-Bashir ang transitory government hanggang March 1, 2025.
Si al-Bashir ang nanguna sa Syrian Salvation Government (SSG) sa Idlib province bago nila tuluyang isinagawa ang labindalawang araw na opensiba para patalsikin sa pwesto si Bashar al-Assad.
Ang pinamunuan nitong SSG ang pangunahing tumulong sa mga rebelde para makubkub ang iba’t-ibang mga syudad sa Syria.
Unang nakubkub ng mga ito ang syudad ng Aleppo, hanggang sa tuluyan ding sinakop ang iba pang malalaking syudad, pangunahin na ang capital na Damascus.
Samantala, nangako naman si Abu Mohammed al-Jolani, na kasabay ng pagbabalik-normal ng Syria, hahabulin pa rin nito ang mga dating senior officials sa administrasyon ng pinatalsik na presidente upang panagutin sa umano’y ginawa nilang war crimes, pag-turture, at iba pang krimen sa mga mamamayan ng Syrua.
Si al-Jolani ang Islamist leader na nanguna sa malawakang opensiba na naging daan upang tuluyang mapatalsik sa pwesto si al-Assad.