-- Advertisements --

Mariing tinututulan ng mga katutubong Malbog ng Balabac, Palawan ang patuloy na paggamit ng SAMBILOG-Balik Bugsuk Movement sa pangalan ng kanilang tribu para sa pansariling interes.

Giit nila, hindi bahagi ng kanilang komunidad at walang kaugnayan sa sa kultura at kasaysayan nila ang grupo.

Ayon kay Chieftain Ariel Monsarapa, ang mga ito ay mga tagalabas na naglalayon lamang na makuha ang lupa para sa kanilang politikal na agenda.

Hinihikayat ng pangkat Malbog ang publiko at ang mga kinauukulang ahensya na maging mapanuri sa mga ganitong grupo.

Ang maling paggamit ng pagiging “katutubo” ay isang malaking kawalang-galang sa aming pagkakakilanlan at mga tunay na pakikibaka para sa aming karapatan sa lupaing ninuno.

Ayon pa sa chieftain, ang paninindigan nila ay malinaw na ang mga lupa at karagatan ng Balabac ay para sa mga tunay na Molbog, na siyang matagal nang tagapangalaga ng lupaing ninuno. 

Habang ang SAMBILOG umano ay dati nang nag-apply sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) upang magkaroon ng Certificates of Land Ownership Award (CLOA).

Ang hakbang na ito aniya ay malinaw na pag-amin na ang lupang kanilang inaangkin ay pribado at may titulo, na sumasalungat sa mga batayan ng Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) na nakasalalay sa konsepto ng katutubong pag-aari.

Sa ganitong aksyon, kusang isinuko ng SAMBILOG ang anumang karapatan sa lupaing ninuno, bagay na hindi sinasang-ayunan ng mga katutubong Malbog.