KALIBO, AKLAN – Sinuri na ng mga opisyal mula sa Department of Health-Research Institute for Tropical Medicine (DOH-RITM) ang isang pasilidad ng Aklan Provincial Hospital para sa accreditation upang maging coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing laboratory sa lalawigan ng Aklan.
Kasunod ng ginawang validation at assessment, hinihintay na lamang ngayon ang sertipikasyon para sa pormal na pagbubukas ng pasilidad bilang kauna-unahang testing center.
Ayon kay Aklan Governor Florencio Miraflores, lubos na kailangan ang pagkakaroon ng testing center lalo pa at mabagal ang pagpapalabas ng resulta mula sa Western Visayas Medical Center sa Iloilo City, ang kauna-unahang accredited sub-national laboratory sa Western Visayas dahil sa dami ng specimen na sinusuri araw-araw na nanggagaling sa mga katabing lalawigan sa Region 6.
Maliban dito, agad na masusuri ang mga turistang nagbabakasyon sa Boracay na makitaan ng sintomas ng virus.
Dagdag pa nito na nagsanay na rin ang mga medical technologists na mangangasiwa sa laboratoryo.
Sakaling may sariling testing center ang Aklan ay magtatagal lamang aniya ng 24 oras at malalaman na ang resulta ng reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test ng isang pasyente.
Maliban sa molecular laboratory, magpapatayo rin ang lokal na pamahalaan ng Aklan ng gusali para sa mga pasyenteng may COVID na may 56 na silid sa loob ng pasilidad ng Aklan Training Center sa Old Buswang, Kalibo, Aklan.