Posibleng maging available na sa Pilipinas sa susunod na buwan ang kauna-unahang oral anti-viral drug na Molnupiravir na napatunayang napapababa ng 50% ang panganib na maospital o pagkamatay mula sa COVID-19 variants.
Sa oras na makapagsumite na ng compassionate special permit (CSP) at aprubahan ng Philippine Food and Drug Administration ang Molnupiravir, ipapamahagi ito sa mga ospital, medical institutions at treatment sites sa pamamagitan ng partnership ng Faberco Life Sciences Inc. (Faberco) na partner manufacturer ng Merck Co. na nagdevelop ng covid19 pill sa RiteMed Philippines, Inc. (RiteMed).
Nauna nang sinabi ni FDA Director-General Eric Domingo na maaaring gamitin ng mga doktor at ng mga ospital bilang COVID-19 treatment ang investigational drug na Molnupiravir na mayroong compassionate use special permit.
Gagamitin ang naturang gamot para sa mga mild to moderate COVID-19 patients.
Makakatulong ang Molnupiravir na maibsan ang pasanin sa healthcare system ng bansa upang mas mabigyan ng pansin ang mga severe at critical patients na nasa mga ospital.
Sa isinagawang trials sa mga pasyenteng na-diagnose na na-infect sa COVID-19 na binigyan ng Molnupiravir, lumalabas sa analysis sa 775 pasyente sa US na tanging 7.3% lamang ng mga nabigyan ng naturang gamot ang naospital, kumpara sa 14.1% ng mga pasyente na nabigyan ng placebo o dummy pill.
Wala ring napaulat na nasawi sa mga COVID patients na nag-take ng Molnupiravir habang nasa walong pasyente na nakatanggap ng placebo ang kalaunan ay namatay dahil sa COVID-19.
Ayon sa Merck manufacturer na epektibo din ang Molnupiravir laban sa mga bagong variants ng COVID-19 sa hinaharap.