GENERAL SANTOS CITY – Nag-shift na ngayon ang momentum ng serye pabor sa Golden State Warriors makaraang manalo sa Game 2 ng NBA Finals na ginanap sa balwarte ng kalabang Toronto Raptors.
Ito ang inihayag ni Fred Lumba, isang beteranong sports writer at analyst, sa panayam ng Bombo Radyo GenSan.
Aniya, dapat ngayong samantalahin ng Warriors ang momentum lalo’t nagawa nilang talunin ang kalaban sa homecourt nito sa kabila ng mahigpit na depensa na ginawa lalung-lalo na kay Stephen Curry.
Bumilib umano si Lumba sa ipinakitang teamwork ng two-time defending champions.
Posible umanong pinipilit ng Warriors ngayon na huwag indahin o magpaapekto sa kabila ng hindi pa rin paglalaro ni Kevin Durant.
Para sa Raptors, ayon kay Lumba ay kinakailangan nilang bumawi at talunin ang kalaban sa Game 3 o kaya sa 4 na gaganapin sa balwarte ng Warriors upang maibalik sa kanila ang momentum ng laro.
Dahil kapag nabigo umano ang Toronto at maging 3-1 ang serye ay magiging malaking pressure na ang manalo sa pagbabalik sa kanilang homecourt at magiging manipis na ang tsansang maagaw ang kampeonato.
Sa ngayon na 1-1 ang serye ay nasa 50-50 chance pa umano para sa dalawang team para magkampeon.