Hinimok ng isang cyber security expert ang publiko na maging mapanuri kaugnay ng kumakalat na isyu ng “Momo Challenge.”
Ayon sa information technology (IT) expert na si Art Samaniego sa panayam ng Bombo Radyo, idinaan nila sa serye ng pagsusuri ang nasabing challenge, ngunit lumitaw na ito rin ang “hoax” o pekeng impormasyon na kumalat noong mga nakalipas na taon.
Ang team ni Samaniego ay responsable sa cyber security ng Manila Bulletin at gumawa na rin ng maraming pag-aaral sa mga isyung may kinalamn sa internet.
Kwento pa nito, nag-download sila ng lahat na sinasabing applications na sinasabing pinagmulan ng “Momo,” pati na ang mga kahawig nitong program.
Pero nagkakaisa umano ang kanilang conclusion na wala talaga sa available social media sites na gumagamit nito.
“Sinundan namin yung mga sinasabi nila. Dinownload ang mga apps at iba pa, pero wala talagang ‘Momo challenge.’ Mukhang gawa-gawa lang ng ilang gustong kumita sa internet ang pagpapakalat nito. Binuhay lang yan mula sa dating kwento. Pero kung napatunayang ‘hoax’ ito two years ago, hoax pa rin ito ngayon,” wika ni Samaniego.
Sinagot din ng IT expert ang sinasabing mga bata na naging biktima ng Momo challenge at hinikayat ang mga ito na ipasuri sa DICT at NBI ang mga gadgets, upang malaman kung talagang may internet applications na katulad ng “Momo.”
Nagpayo pa si Samaniego sa publiko na huwag basta magpakalat ng impormasyon, tungkol sa kahit anong isyu.
Mainam na mag-verify, magtanong sa mga eksperto at humanap lamang ng lehitimong sources.