DAVAO CITY – Mas paiigtingin pa ng Police Regional Office XI ang paghahanda para sa papalapit na halalan sa Barangay at Sangguniang Kabataan.
Kasabay ng command visit ni PNP Chief General Rodolfo Azurin, Jr. sa Police Regional Office 11 sa Camp Sgt. Quintin M. Merecido, Buhangin, Davao City, pinuri nito ang PRO 11 dahil sa aniya’y pagsusumikan ng kapulisan sa rehiyon na mapanatiling mababa ang crime rate na nasa 14% nitong kasalukuyan.
Inutos din ni Azurin ang pagpapa-igting pa sa seguridad para sa mga public officials sa pamamagitan ng pagsusuri ng bawat threat levels o mga banta sa kanilang buhay, habang papalapit na ang isasagawang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections ngayong taon. Inaasahan ng opisyal na magiging ligtas ang isasagawang halalan sa barangay para sa mga opisyal maging mga sibilyan.
Nagpaalala rin ang hepe ng kapulisan sa pagpapalakas ng kanilang mga proyekto sa kanilang komunidad sa ilalim ng KASIMBAYANAN o Kapulisan, Simbahan, at Pamayanan Program.
Nabanggit din niya ang importansya ng kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon na mas lalong humihikayat sa mga banyagang mamumuhunan na inaasahan na muling magpapalakas ng ekonomiya ng bansa na unang pinadapa ng COVID 19 pandemic.
Sa nakatakdang pag-alis sa kanyang pwesto bilang Hepe ng PNP at ganap na pagreretiro sa serbisyo, inaasahan ni Azurin na ipagpapatuloy ng kanilang hanay ang kanilang sinumpaang tungkulin na maglingkod at ipagtanggol ang bayan sa kabila ng mga kritisismo at panunuligsa ng publiko na kanilang hinaharap.
Nag-iwan rin ng payo ang hepe sa mga kapwa pulis na wag mag-atubiling humingi ng tulong sa mga kasamahan sa panahong makararanas ng isyu na may kinalaman sa kanilang mental health.