Namataang bumalik ang pinakamalaking coast guard ship sa buong mundo na “The Monster” ng China o CCG 5901 malapit sa Ayungin shoal sa West Philippine Sea ngayong araw ng Miyerkules.
Ito ay base sa monitoring ng US maritime security expert na si Ray Powell sa kaniyang social media account na X.
Ayon kay Powell, bumalik ang dambuhalang barko ng China para sa panibagong intrusive patrol sa exclusive economic zone ng Pilipinas at sinamahan ito ng 102 meter na CCG vessel 5203 sa Ayungin shoal kaninang 7:26 ng umaga.
Sa ngayon wala pang kumpirmasyon ang PH Navy at PCG kaugnay sa presensiya ng Monster ship sa WPS.
Matatandaan na huling namataan ang Monster ship sa Ayungin shoal noong Hunyo 24.
Nagsimula ang paglalayag nito sa WPS kasunod ng bayolenteng insidente sa shoal sa pagitan ng mga tauhan ng CCG at tropa ng Pilipinas na nagsasagawa noon ng resupply mission sa BRP Sierra Madre outpost na nagresulta sa pagkasugat ng ilang Navy personnel kabilang na si Seaman First Class Jeffrey Facundo na naputulan ng hinlalaki.
Base sa naunang monitoring ng mga awtoridad ng PH, dumaan din ang Chinese vessel sa 12 maritime features ng WPS sa loob ng 10 araw.
Maliban dito, nagtungo din ang dambuhalang barko sa katubigan ng El Nido, Palawan na mayroon lamang distansiya na 34 nautical miles mula sa coastline.