-- Advertisements --

Namataan ang China Coast Guard (CCG) vessel 5901 o monster ship na umalis papalayo sa baybayin ng Zambales nitong Linggo, Enero 19.

Sa ibinahaging video ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, makikitang nasa malayong distansiya ang dambuhalang barko ng China habang pumalit naman ang China Coast Guard vessel 3304.

Base sa monitoring activities bandang alas-3 ng hapon kahapon, naobserbahan ng mga personnel ng BRP Gabriela Silang ang paglayo ng monster ship mula sa barko ng Pilipinas habang papalapit naman ang humalili dito na CCG 3304 sa baybayin ng Zambales.

Dakong alas-9 ng gabi, namataan ang dambuhalang barko na nasa tinatayang distansiya na 95 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales habang ang CCG 3304 ay nasa 65 nautical miles.

Samantala, bagamat umalis aniya ang monster ship ng China sa lugar, nananatili pa rin aniyang mas malaki ang pumalit na CCG 3304 sa pinakamalaking barko ng PCG.

Ang idineploy ng China na CCG 3304 ay may habang 111 meters at lapad na 46 meters.

Sa kabila naman nito, inihayag ng PCG official na ipagpapatuloy ng BRP Gabriela Silang ang walang patid na paggampan ng makabayang misyon nito na pag-challenge sa iligal na presensiya ng CCG.

Iginiit din ng PCG ang dedikasyon nito para pagtibayin ang international law at pagprotekta sa seguridad ng ating maritime jurisdiction.