-- Advertisements --

Patuloy ang pagbalewala ng dambuhalang barko ng China sa panawagan ng Pilipinas na lisanin ang katubigan ng Pilipinas.

Sa ika-13 araw ng operasyon ng Philippine Coast Guard sa may katubigan malapit sa Zambales, ibinahagi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela nitong gabi ng Miyerkules na aktibong kinompronta ng BRP Gabriela Silang ang iligal na deployment ng China Coast Guard vessel 5901 o monster ship sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Aniya, matagumpay na nasiguro ng mga personnel ng PCG vessel na mapanatili sa layong 70 nautical miles ang dambuhalang barko mula sa baybayin ng Zambales.

Sa panig naman ng CCG vessel, nag-isyu ito ng radio challenge sa BRP Gabriela Silang at iginiiit ang jurisdiction award umano sa People’s Republic of China.

Tinugunan naman ito ng personnel lulan ng BRP Gabriela Silang sa pamamagitan ng radio challenge at inabisuhan ang monster ship na nasa loob ito ng EEZ ng PH, tinatayang nasa 60.01 nautical miles (NM) kanluran ng Capones Island, Zambales.

Kaugnay nito, iginiit ng PCG na hindi ito matitinag sa misyon nito na protektahan ang maritime interest ng bansa at pagtibayin ang soberaniya, sovereign rights at maritime jurisdiction sa West Philippine Sea.