-- Advertisements --

Pinalitan ng binansagang “Monster ship” ng China ngayong Sabado, Pebrero 1 ang China Coast Guard vessel 3304 na iligal na nag-operate malapit sa Zambales.

Sa isang statement na inilabas nitong gabi ng Sabado, sinabi ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na matagumpay na naitaboy ng BRP Teresa Magbanua ang CCG 3304 mula sa coastline ng Zambales at epektibong napanatili ng barko ng Pilipinas ang distansiya ng monster ship na tinatayang 110-115 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales.

Nananatili din aniyang hindi natitinag ang crew na sakay ng BRP Teresa Magbanua sa presensiya ng dambuhalang barko ng China at nagpakita ng pambihirang katapangan at paninindigan.

Kaugnay nito, patuloy na iginiit ng PCG na iligal ang mga aksiyon ng CCG at paglabag ito sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) kung saan isa ang China sa lumagda.

“The PCG reaffirms its commitment to the President and the Filipino people, ensuring that our dedicated personnel will continue to protect Filipino fishermen, uphold our maritime rights, enforce international law, and work towards the de-escalation of tensions.”