Posibleng bumalik pa ang tinaguriang Monster ship ng China Coast Guard sa Sabina shoal ayon kay West Philippine Sea monitor at US Maritime Security expert Ray Powell.
Aniya, umalis ang naturang Chinese vessel sa shoal bilang parte ng normal rotation nito.
Matatandaan na noong nakalipas na linggo ng lisanin ng monster ship ang Sabina shoal kung saan nagbabantay ang barko ng Philippine Coast Guard na BRP Teresa Magbanua.
Ayon pa kay Powell, base sa kaniyang obserbasyon sa monster ship, nasa 45 araw ang standard time ng pananatili ng dambuhalang barko ng China bago ang kanilang rotation.
Idineploy ang monster ship sa shoal noong Hulyo 3 at umalis noong Agosto 10 ayon sa PCG, na nanatili ng kabuuang 38 araw.
Saad ni Powell posibleng nakabalik na sa Hainan island ang naturang monster ship.
Ipinadala namang kapalit nito ang mas maliit na CCG vessel na may bow number na 5303.