Nakaalis na ang dambuhalang barko ng China na China Coast Guard (CCG) 5901 mula sa Bajo de Masinloc, ang traditional fishing ground malapit sa Zambales.
Ito ang kinumpirma ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela sa isang pulong balitaan ngayong Biyernes, Pebrero 14 kasama ang mga opisyal ng Philippine Navy at National Security Council.
Ayon kay Comm. Tarriela, ito aniya ang unang pagkakataon na hindi lamang umaaligid sa Bajo de Masinloc ang monster ship at tinatahak ang pa-timog na direksiyon at may posibilidad na pumunta pa ito sa ibang exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sa kabila naman ng pag-alis ng monster ship, nananatili naman aniya sa bisinidad ng Bajo de Masinloc ang 2 Chinese vessels.
Habang ang isa sa pinakamalaking Chinese fisheries research vessel na Lan Hai 101 ay nakaalis na ng katubigan ng bansa at kasalukuyang nasa distansiyang 32.5 nautical miles mula sa Taiwan.