Maaaring makatanggap ng tulong ang mga empleyado ng mga ahensya ng gobyerno na nahawaan ng COVID-19 sa kanilang mga trabaho ayon sa Civil Service Commission (CSC).
Sa Laging Handa Public Briefing ay sinabi ni CSC Commissioner Aileen Lizada na batay sa inilabas na DBM circular no. 2020-14 ng Department of Budget and Management (DBM) ay maaari nang gumawa ng home care COVID kit ang mga ahensya ng gobyerno para sa kanilang mga empleyado na nagpositibo sa nasabing virus nang wala silang binabayaran.
Maaari aniyang gamitin ng mga ahensya ang kanilang Maitenance and Other Operating Expenses (MOOE) para tulungan ang kanilang mga tauhan na tinamaan ng COVID-19.
Bukod dito ay sinabi rin ni Lizada na maaaring i-cover ng DBM ang mandatory mass testing para sa mga empleyado ng mga ahensya ng gobyerno nang wala pa ring babayaran ang mga ito.
Aniya, ito ay bilang pag-iingat at proteksyon na rin ng mga empleyado laban sa nasabing sakit upang masiguro na nananatiling ligtas ang lugar ng kanilang trabaho.
Samantala, pinayuhin din ng opisyal ang mag ahensya ng gobyerno na magsagawa ng alternative work arrangements sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 dito.
Pinaalalahanan din niya ang mga ito na patuloy na alagaan ang kanilang mga kawani dahil mas mababawasan ang magiging alalahanin ng mga naturang indibidwal kung batid nilang handa silang tulungan ng mga ahensyang kanilang pinagsisilbihan.