Tatlong bagay lamang umano ang kailangang gawin ng Gilas Pilipinas upang makatikim na ng panalo sa kanilang kampanya sa 2019 FIBA World Cup sa China.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines sa sports columnist na si Homer Sayson, kailangan lamang daw na ayusin ng Gilas ang kanilang shooting, na inalat sa pagharap sa powerhouse teams na Serbia at Italy.
Partikular na tinukoy ni Sayson ang three-point shooting ng mga Pinoy na nagpasok lamang ng pito sa 47 pagtatangka sa nakalipas na dalawang laro.
Ayon pa sa analyst, maliban dito ay kailangan din na ma-rebound ng mga Pinoy ang bola at magpatupad ng mas matindi pang depensa.
Gayunman, naniniwala si Sayson na “moot and academic” na o wala nang saysay kahit na magwagi pa ang Gilas sa Angola.
“It’s immaterial, moot and academic na itong larong ito. Para bang stain sa carpet na you cannot wipe it with a vacuum cleaner. So kahit na manalo tayo, it does not erase the stigma, those 105-point loss to Italy and Serbia,” wika ni Sayson.
Una nang sinabi ni Gilas head coach Yeng Guiao na hindi raw nila hahayaang maisahan pa sila sa kanilang “must win” game sa torneyo na magsisimula mamayang alas-3:30 ng hapon.