Tinawag na isang uri ng pambu-bully ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales na ang pagharang sa kaniya sa Hong Kong.
Sinabi nito na walang maipaliwanag ng tama ang mga airport officials at sinabi lamang nila na kaya siya hinarang ay dahil sa “immigration reasons”.
May mga ilang papeles na pinapirma sa kaniya subalit kaduda-duda ito dahil blanko ang ilan kaya hindi na nito pinirmahan.
Maging ang pagkain na inalok sa kaniya ay tinanggihan nito dahil baka raw siya ay lasunin.
Malaki ang paniwala nito na ang pagharang sa kaniya sa Hong Kong ay may kaugnayan sa pagsampa nila ng kaso kasama si dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario noong Marso sa International Criminal Court (ICC) laban kay Chinese President Xi Jinping kaugnay sa crime against humanity na dahil sa pag-aangkin ng China sa West Philippine Sea.
Nauna rito Martes ng tanghali ng hinarang siya sa Hong Kong airport.
Nagtungo ang dating Ombudsman kasama ang kaniyang mga apo para pumasyal.
Dahil sa pangyayari ay hindi na nila ito itinuloy at umuwi na lamang sa bansa pasado 10 p.m. ng Martes.
Nanindigan pa rin ito na hindi niya iaatras ang kasong isinampa sa Chinese President matapos ang naranasan nito.