Matapos ang suspensiyon ng importasyon ng sibuyas hanggang sa Mayo, inirekomenda naman ng grupo ng mga magsasaka na dapat i-practice ng Department of Agiculture ang pagpapatupad ng moratorium sa pag-aangkat ng agricultural products gaya ng imported chicken kapag sumadsad pa ang farmgate price ng farm products.
Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) executive director Jayson Cainglet, dapat ding magpatupad ng suspensiyon sa pagpasok ng imported chicken dahil nakakaranas ang polutry raisers ng bagsak na farmgate price sa naturang produkto.
Saad pa nito na noong nakalipas na linggo, inirekomenda nila ang moratorium sa importation ng sibuyas dahil sa mababang farmgate price nito kaya naman nagpapasalamat sila sa maagap na aksiyon ng DA sa kanilang rekomendasyon.
Kayat umaasa ang grupo na mapakinggan silang muli dahil napipilitan umano ang poultry raisers na huwag ilabas sa merkado ang kanilang mga bentang manok dahil walang bumibili at mas malaki ang kanilang gagastusin kapag nanatili sa farm ang mga ito.
Ayon naman kay United Broiler Raisers Association (UBRA) president Elias Jose Inciong na magpupulong ang board para talakayin ang panukala para sa moratorium sa mga inaangkat na manok.