-- Advertisements --

Tinanggal na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinatutupad na moratorium sa pagmimina.

Sa inilabas na Executive Order No. 130 ng Malacañang na pirmado ni Pangulong Duterte kahapon, Abril 14, 2021, nakasaad na maaari nang pumasok muli ang pamahalaan sa bagong mineral agreements alinsunod sa Philippine Mining Act of 1995 at iba pang mga batas.

Dahil dito, maaari nang ipagpatuloy ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbibigay at pag-iisyu ng exploration permits sang-ayon sa umiiral na batas at mga panuntunan.

Inaatasan din ang DENR na bumuo ng terms and conditions sa bagong mineral agreements kung saan magagamit nang husto ng gobyerno ang kita at shares nito sa produksyon, kabilang na ang posibilidad na ideklara ang mga lugar na ito bilang mineral reservations para makakuha ng kaukulang royalties.

Sa ilalim ng kautusan, inaatasan din ang DENR na i-review ang existing mining contracts at mga kasunduan para sa posibleng renegotiation sa terms and conditions na magiging katanggap-tanggap sa gobyerno at sa mining contractor.

Nakasaad din sa EO 130 na kailangang magpatupad ang DENR ng mahigpit na mines safety and environmental polices at mga patakaran ng Mining Industry Coordinating Council (MICC) para sa lahat ng mining operations na naglalayong maoobserbahan ang environmental protection at maging responsable ang pagmimina.

Ang pagbawi na ito ni Pangulong Duterte sa moratorium sa pagmimina ay matapos makapagpatupad na ng mga bagong batas ang pamahalaan para sa pag-rationalize ng existing revenue sharing schemes and mechanisms kasama na ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act na nagtatakda ng dobleng rate sa excise tax sa minerals, mineral products at quarry resources sa 4 porsyento mula sa dating 2 porsyento.