-- Advertisements --

ILOILO CITY – Pansamantalang isinara ang customer service office ng MORE Electric and Power Corporation sa Iloilo City matapos nagpositibo sa COVID-19 ang isang empleyado ng nasabing electric company.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Jonathan Cabrera, tagapagsalita ng MORE Power, sinabi nito na nasa isolation facility na ang nasabing COVID-19 positive matapos nakitaan ng mild symptoms ng COVID-19 at noong nakaraang araw lamang nakumpirma na nagpositibo ito sa virus.

Ayon kay Cabrera, isinailalim rin sa quarantine ang 27 empleyado ng MORE Power at nakatakdang isailalim sa RT-PCR test.

Inihayag ni Cabrera na sa ngayon, hindi muna tatanggap ng bayad ang Customer Service at pinayuhan ang mga kustomer na magbayad na lang ng electric bill sa pamamagitan ng payment partners.