ILOILO CITY – Tiniyak ng MORE Electric and Power Corporation na walang pagbabago sa transaction ng mga customer kasunod ng expropriation sa lahat ng substation na pagmamay-ari ng Panay Electric Company.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Allana Mae Babayen-on, legal counsel ng MORE Electric and Power Corporation, sinabi nito na hindi maapektuhan ang transaction ng mga customer sa pagbayad ng electric bill at pati na rin ang supply ng kuryente kahit na pabor sa kanila ang naging desisyon sa expropriation case.
Ayon kay Babayen-on, ang tanging nagbago lamang ay ang may-ari ng electric power provider sa lungsod ng Iloilo samantala mananatili naman ang mga dating empleyado ng kompanya.
Inihayag ni Babayen-on na may itatalagang isang supervisor sa bawat substation dahil na rin sa naging maayos na takbo ng expropriation proceedings.
Napag-alaman na pinaboran ni Hon. Emerald Contreras, presiding judge ng Branch 23 ng Ramon Avanceña Hall of Justice ang hiling ng More Power na kunin ang lahat ng mga substation ng PECO kung saan kabilang sa napasakamay ng MORE Power ay ang substation sa Baldoza, La Paz, Iloilo City, Gen. Luna, Iloilo City at Tabuc Suba, Jaro, Iloilo City na umaabot sa P218 Million.
Maliban dito, kukunin rin ng More Power ang meter lab, power plant building at switchboard house sa Gen. Luna St. Iloilo City na umaabot sa P15 Million.
Samantala, naging tensyonado naman ang pag take-over sa General Luna substation ng Panay Electric Company matapos na hindi pinapasok ng guard ang mga personnel ng MORE Electric and Power Corporation.
Naantala rin ang pag take-over sa Tabuc Suba substation ngunit sa kalaunan ay nakapasok rin ang mga personnel ng MORE Power.
Naroon rin ang presensya ng civil disturbance team at sherrif upang masiguro ang peace and order hanggang sa matapos ang pag take-over sa lahat ng substations.