CENTRAL MINDANAO – Pinasinayaan ni Governor Nancy Catamco ang pormal nang pagbalangkas ng Moro People’s Welfare and Development Code para sa probinsya ng Cotabato.
Binati ng gobernadora ang liderato ni Board Member Dulia Sultan sa taimtim nitong pagtutok upang mabuo ang Moro Code katuwang ang Office of the Muslim Affairs sa pangunguna ni Mariam Antao.
Naniniwala si Catamco na napapanahon ang pagkilos nito upang maisulong ang mga karapatan na dapat matamasa ng mga Bangsamoro.
Kabilang na rito ang pagpapatupad ng sistema kaugnay burial assistance at iba mga pangangailangan ng komunidad at usapin.
Sa North Cotabato, apat na malalaking tribu ang bumubuo ng Bangsa Moro communities, ito ay ang Maranao, Maguindanao, Iranon at Tausug.
Hinamon din ni Catamco ang Technical Working Group at ang mga partisipante na magkaroon ng mandatory representative.
Inihalimbawa rin nito ang kasaysayan ng Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) na naipatupad ng kanyang pamunuan noong siya ay naging kongresista.
“Kung magawa natin ito, maari itong maging best practices ng probinsya at maging modelo tayo.”
Sinabi ito ng gobernadora kasunod ang paliwanag na may Bangsa Moro communities sa labas ng Bangsa Moro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at nararapat lamang na marinig ang kanilang boses at hinaing sa pamagitan ng pagkaroon ng kinatawan.
Bakas ang pag-asa sa mata ng mga miyembro ng technical working group at partisipante ng aktibidad, na kinabibilangan ng sektor ng academe o paaralan, MILF, MNLF, Youth, OFW, at mga miyembro ng Council of Muslim Elders.
Nagpaunlak kaagad ng konsultasyon ang gobernador at agad nitong natugon ang hiling mula sa iba’t ibang sektor ng partisipante.
Kabilang dito ang pagtatayo ng help desk para sa mga OFW, scholarship slot para sa mga guro na nagnanais magkaroon ng post graduate degree at ang pagkaroon ng tanggapan na tututok upang muling mapasigla ang kanilang settlement system kaakibat ang Office of the Muslim Affairs.
Naghatid ng inspirasyon sa mga lider ng Bangsamoro ang paninidigan ng gobernador na siya ay mangunguna na maisulong at matupad ang kanilang mga mithiin.