Sinimulan na ng kabisera ng bansang Russia na Moscow ang pamamahagi ng COVID-19 vaccine sa 70 mga clinics sa siyudad.
Ayon sa Moscow coronavirus task force, prayoridad sa bakuna ang mga doctors, teachers at social workers dahil sila ang mas lantad sa panganib na dulot ng coronavirus.
Sa pinakahuling datos, umabot sa 7,993 ang panibagong kaso ng sakit na naitala sa Moscow, na sinasabing epicenter ng coronavirus outbreak sa Russia, sa loob lamang ng 24 oras.
“Over the first five hours, 5,000 people signed up for the jab – teachers, doctors, social workers, those who are today risking their health and lives the most,” pahayag ni Moscow Mayor Sergei Sobyanin.
Hanggang 60-anyos lamang ang maaaring tumanggap ng Sputnik V vaccine, habang ang mga buntis, may underlying health conditions, at may respiratory illness sa nakalipas na dalawang linggo ay hindi naman papayagang makakuha ng bakuna.
Kung maaalala, dalawang COVID-19 vaccines ang ginawa ng Russia: ang Sputnik V na pinondohan ng Russian Direct Investment Fund; habang ang isa pa ay dinevelop ng Vector Institute sa Siberia.
Kapwa namang hindi pa natatapos ang final trials ng naturang mga coronavirus vaccine.
Una na ring naghayag ng pagkabahala ang mga eksperto sa bilis ng paggawa ng Russia sa nasabing mga bakuna dahil naglunsad na agad ang bansa ng mass vaccinations bago pa man makumpleto ang safety at efficacy trials ng bakuna.
Dalawang beses ituturok sa isang indibidwal ang Sputnik V vaccine, kung saan ang ikalawang dose ay ibibigay 21 araw matapos ang una. (Reuters/ The Guardian)