LEGAZPI CITY – Tinitingnan ngayon na malaking tulong sa tumataas na kaso ng dengue sa iba’t ibang panig ng bansa ang pag-reproduce ng mosquito fish.
Paliwanag ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol spokesperson Nonie Enulva sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, unang ginamit ang naturang mga isda sa Central Luzon tatlong dekada na ang nakakapilas upang makontrol ang dengue cases.
Aniya, kinakain ng mosquito fish ang mga kiti-kiti kaya posible rin itong maging solusyon sa mataas na kaso ng dengue sa Pilipinas.
Ayon kay Enulva, ang naturang uri ng isda ay kayang mabuhay kahit sa stagnant water at kayang makapag parami sa loob lamang ng ilang linggo kaya malaking tulong ito sa pag-kontrol ng mga kiti-kiti na nagiging lamok kinalaunan.
Dagdag pa nito na may mga mosquito fish na maaaring ma-reproduce sa kanilang tanggapan subalit aminado ang opisyal na hindi ito gaanong napagtutuunan ng pansin sa kasalukuyan dahil mas nakatutok ang BFAR Bicol sa production ng mga isda na makakain ng mga tao.
Samantala, nanawagan ang opisyal ng pagkakaisa at pagtutulungan ng lahat upang tuluyan nang mapuksa ang mga lamok na nagdudulot ng dengue.