-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Personal na tinanggap ni Sangguniang Kabataan Chairman Ariel Breeze Bayawan ng Barangay Katipunan, Arakan, Cotabato ang tsekeng nagkakahalaga ng P100,00 mula kay Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza.

Matatandaang napili ang SK Katipunan bilang 3rd Most Outstanding and Best in Development Planning SK Unit sa buong rehiyon dose sa isinagawang Governance Exemplars for Meaningful Service (GEMS) for SK Regional Awarding na ginanap sa Paraiso Verde Resort and Waterpark sa Koronadal City.

Ayon kay Governor Mendoza, hindi matatawaran ang ipinakitang galing ng mga Sangguniang Kabataan mula sa nasabing barangay sa larangan ng pamamahala bilang mga batang lider upang mapagtagumpayan ang nasabing kompetisyon.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Chairman Bayawan sa gantimpalang bigay ng pamahalaang panlalawigan na aniya’y kanilang gagamitin sa mga programa para sa kabataan ng kanilang barangay.

Kasama din sa pagbigay ng tseke sina Sangguniang Kabataan Provincial Federation President Sarah Joy Simblante at Provincial Youth Development Officer Designate Nikko Adrian Perez.