-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nasa kustodiya na ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang itinuturing na most wanted Indian national sa Pilipinas.

Dumayo pa sa Brgy. Caningay, Candoni, Negros Occidental ang mga personnel ng PNP-AKG upang arestuhin si Mandeep Singh, alias Deepy Sidhu, 36-anyos at sinasabing miembro ng Goldy Group.

Naaresto si Singh sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Tomas Ken Romaquin ng Regional Trial Court Branch 24 sa Biñan, Laguna.

Nahaharap ang Indian national sa kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention at walang pyansang inirekomenda para sa pansamantalang kalayaan nito.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Elmer Cereno, chief ng public information office ng PNP-AKG, sangkot si Singh sa pitong abduction incidents, kabilang ang kaso ni Anial Kumar Sohal noong Agosto 2017.

Si Singh ang hinuli ng mga otoridad nakaraang araw ng Linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Punong Barangay Eduardo Monserati, nakapag-asawa si Singh ng taga-Candoni ngunit hiwalay na ang mga ito at mayroon silang isang anak.