-- Advertisements --

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na hawak na nila ang Korean national na si Chu Hoyong dahil sa mga fraudulent at investment scam na kasong kinahaharap nito sa South Korea.

Photo by @Bureau of Immigration, Republic of the Philippines / Fb page

Ang 35-anyos na korean national ay naaresto ng mga operatiba noong nakaraang Miyerkules sa kanyang tirahan sa Cruzada St., Makati City sa ikinasang Fugitive Search Unit (FSU) ng BI.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pagkaka-aresto ay isinagawa batay sa isang mission order na kanyang inilabas sa kahilingan ng gobyerno ng South Korea, na nag-ulat ng presensya at iligal na gawain ni Chu sa Pilipinas.

‘Informed kami na bukod sa investment scams, siya rin ay sangkot sa telecommunications fraud na posibleng ipinapatupad niya habang naninirahan dito sa bansa,’ ani Viado.

Si Chu ay may dalawang arrest warrant mula sa korte ng South Korea na nagaakusa sa kaniya ng mga fraudulent schemes dahilan para dumami ang mga naloko nitong mga Koreano.

Ang isang warrant ay inisyu ng Bukbu district court sa Seoul noong Abril 12, 2022, matapos akusahan si Chu ng panloloko sa pamamagitan ng pagbibigay ng walang halagang collateral para sa mga loan na nakuha niya mula sa mga biktima.

Ang halaga ng kabuuang nakuha nito sa mga na biktima ay umabot sa 2.26 billion won o tinatayang nasa $1.4 million.

Habang ang isa pang warrant ay inisyu laban sa kanya noong Enero 2023 ng Seoul district court matapos siyang akusahan ng isa pang kaso ng panloloko, kung saan naloko niya ang mga biktima na magpahiram sa kanya ng higit sa 76.4 million won o tinatayang nasa $53,000 sa pangakong babayaran niya sila gamit ang cryptocurrencies.

Ayon kay Rendel Ryan Sy, pinuno ng BI-FSU, itinuturing si Chu bilang isang high-value target ng mga awtoridad ng South Korea, na may may kaugnayan umano sa mga sindikato ng telecom fraud na nagpapalakad sa Pilipinas.

Natunton si Chu dahil sa mga travel records at pagtuklas ng pagtagal na pananatili nito sa bansa, dahil ang huling pagdating niya sa Pilipinas ay noong Marso 13, 2022.

Kasalukuyan namang nakakulong sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, si Chu habang isinasagawa ang proseso ng kaniyang deportion.

Dagdag pa ng BI na matapos ang deportation kay Chu ay idaragdag nila ito sa mga blacklist kung saan nagbabawal na muling pagpasok sa bansa.